Sabi ng paborito kong manunulat, pinakamahirap ang unang banat, yun bang sa dinami dami ng mga ideyang nasa isip mo, ano't di ka makapagsimula, alam mo ang gusto mong sabihin pero nag aatubili ka kung paano sisimulan Eto ako ngaun, nasa harap ng aking laptop,, malapit nang maubos ang sigarilyong hinihithit, napapatigil, napapaisip....minsa'y kumukunot ang noo, napapangiti, matitigilan. Naroon ang tanong na ilang araw ng gumugulo sa akin, desidido na ba akong harapin ang totoo?...ilalahad ko ba dito ang lahat? Matagumpay at masaya naman ako sa estado ng aking pamumuhay, bagama't hindi kuntento, pero sino ba ang taong nakontento? Wala naman yata, lagi na tayong naghahangad, humihirit, mabigo man o hindi, nasa atin ang katwitrang, di bale na basta't sinubukan ko! At oo, ano man ang kahinatnan di ko siguro masasagot ang mga konsekwensya ng mga ito, hindi pa sa mga panahong ito, maaaring hahaharapin ko kung naroon na ako sa saan at kailan. Salamat sa patuloy na imbensyon ng makabagong teknolihiya, kung ang iba'y nagpapanggap dito, iibahin ko ang sitwasyon, dahil dito lang ako maaaring maging totoo, dito lang maaaring isatinig, ilahad, ibahagi ang naiibang mundong gusto kong galawan, isang mundong hanggang sa panahong ito ay di ko pa rin naiintindihan, bagama't hindi ako bago sa mga karanasan, hindi rin nahuhuli sa pagbabasa sa paghasa ng mga kaalaman, gayunman ay hindi parin lubos na maunawaan ng aking isipang itinuring ko at ng karamihan na magaling umanalisa, sumuri at bumuo ng konsepto, mabilis umunawa, madaling magbigay ng analitikal na konklusyon, ang damdaming kakaiba sa oryentasyon ng pagiging babae at lalake, marahil ang pag-intindi at pang-unawa sa isang bagay o sitwasyon ay nakadepende sa ating kakayahang tumanggap. Maaaring isipin ko na marahil ang iba sa atin ay hanggang doon lamang ang kayang abutin ng kanilang katalinuhan, may mababaw at malalim mag-isip, ang masaklap, meron ding hindi nag-iisip. Tulad ng sinasabi ng karamihan, hindi naman lahat ay may dahilan, gusto ko sanang itama ito ito, walang pangyayari, tao man o bagay, may buhay at wala, materyal at di materyal, saya at kalungkutan, ang di umusbong dito sa sanlibutan ang walang dahilan. Bagama't nauunawan ko kung bakit kadalasan marami sa atin ang di nag-iisip, marahil ay madali sa kanila ang pagtanggap o marahil ay mas marami pang prayoridad and dapat na unahin kaysa maging analitikal.
Bago pa ako lumayo sa talagang gusto kong talakayin, nais kong masagot ang lahat ng katuturan ng pagiging isang bi, bakla, silahis, at sana sa pamamagitan nito, at sa kung sino man ang maaabot ng pahinang ito, matutunan ko ang gaan ng pagtanggap! Walang umpisang madali, kung meron man, ang salimuot ay tyak na madadagi at masasalubong sa kalagitnaan o sa nalalapit na wakas ng landas na iyong tinatahak.
Tiyak na pasusumundan ko ang mga pahinang mababasa nyo dito, walang alinlangan kong ibabahagi ang mga karanasang may hatid na kiliti, tuwa at lungkot, may halong pagtataka at sa huli naroon ang katanungang... Bakit mo hinayaan?
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment